-- Advertisements --

Inihahanda ng Department of Agriculture-Western Visayas (DA-6) ang mga alternatibong pananim para sa mga magsasakang posibleng maapektuhan ng matinding kakulangan ng tubig dulot ng banta ng Super El Niño.

Ayon kay DA-6 Regional Executive Director Dennis Arpia, pangunahing alalahanin ang sektor ng palay dahil sa malaking suplay ng tubig na kailangan nito, kaya tinutukoy na ng ahensya ang mga angkop na lugar para sa rice production habang hinihikayat naman ang mga magsasaka sa mga kapos sa tubig na lumipat sa ibang pananim.

Sinabi ni Arpia na mas maraming local government unit at magsasaka ang nagpapakita ng interes na magtanim muna ng mais at iba pang uri ng pananim kapag hindi na kayang ipagpatuloy ang pagpapalayan dahil sa tagtuyot.

Kasabay nito, isinasagawa na ng DA-6 ang ikalawang phase ng cloud-seeding operations matapos makumpleto ang unang bahagi, bagama’t nakadepende pa rin ang tagumpay ng operasyon sa pagkakaroon ng angkop na ulap at teknikal na kondisyon sa kalawakan.

Bukod sa pagpapalawak ng irrigation capacity sa tulong ng Jalaur River Multipurpose Project at mga proyekto ng National Irrigation Administration (NIA), naghanda rin ang DA-6 ng seed buffer stocks ng palay, mais, at high-value crops tulad ng munggo para sa mga maiipit na magsasaka.