-- Advertisements --

Inihahanda na ng Department of Agriculture (DA) ang isang 15-araw na cloud-seeding operation sa lalawigan ng Iloilo habang patuloy na lumalapit ang lugar sa banta ng dry spell.

Ang cloud-seeding ay isang paraan ng weather modification kung saan naglalagay ng mga kemikal o substansya sa mga angkop na ulap upang makatulong sa pagbuo at pagpapatulo ng ulan.

Gayunman, linaw ng mga dalubhasa na kinakailangan ng operasyon ang presensya ng mga tinatawag na “seedable clouds” at hindi ito pwedeng makalikha ng ulan mula sa malinaw na kalangitan.

Ayon kay Geron Magbanua, acting head ng Iloilo Provincial Agriculture Office, uunahing isailalim sa operasyon ang Ika-limang Distrito, partikular ang mga lugar na matagal nang nakararanas ng kakulangan sa ulan at nanganganib na ang mga tanim na palay, gulay, at iba pang high-value crops.

Sinabi ni Magbanua na nakipag-ugnayan na ang pamahalaang panlalawigan sa DA-Western Visayas matapos iulat ng mga magsasaka, kabilang ang mga nasa bayan ng San Rafael at Sara, na nagbibitak-bitak na ang kanilang mga bukirin dahil sa tuyong panahon.

Inaasahang masisimulan ang operasyon sa huling bahagi ng Setyembre o sa darating na Oktubre sa pamamagitan ng isang third-party contractor na kinuha ng DA.

Itutuon ang pagpapatulo ng ulan sa mga dam, reservoir, at iba pang anyong tubig upang madagdagan ang suplay sa mga irrigation system na nagsusuplay sa hilagang bahagi ng Iloilo.

Samantala, hinimok naman ni PAGASA Administrator Dr. Nathaniel Servando ang buong sektor ng agrikultura na maghanda sa inaasahang “Very Strong El Niño” bago matapos ang taon.

Ito ay dahil sa mga projection na sa pagpasok ng Oktubre, mas dadami pa ang mga rehiyon na makararanas ng dry spell, dry season, at katuyuan o drought.