Lumubo pa sa P4.38 bilyon ang pinsalang iniwan ng magkakasunod na kalamidad at ng hanging habagat sa sektor ng pagsasaka sa bansa.
Kinabibilangan ito ng mga Bagyong Maymay, Neneng, Luis, Obet, at Pilandok, pati na rin ang patuloy na umiiral na hanging habagat.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) spokesperson Arnel de Mesa, ang pinakamalaking pinsala ay naitala sa mga pananim na palay, kung saan pumalo sa P2 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa naturang industriya.
Sinundan ito ng industriya ng high-value crops na nakapagtala ng P1 bilyong pinsala, habang umabot naman sa P500 milyon ang iniwang danyos sa fisheries sector o pangingisda.
Ayon pa kay De Mesa, ang naturang pinsala ay nagdulot ng P20 hanggang P40 na pagtaas sa presyo ng mga lowland vegetable o mga pangunahing gulay sa mga pamilihan.
Sa kabila nito, nananatiling sapat ang supply ng pagkain sa bansa, habang nagpapatuloy din ang pagbangon ng sektor ng agrikultura mula sa pinsalang dulot ng mga magkakasunod na kalamidad.
















