-- Advertisements --

Pormal nang natanggap ng Department of Agriculture (DA) ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa P6.2 bilyong pondo na nakalaan sa UPLIFT Assistance.

Layunin nitong matulungan ang mga magsasaka at mangingisdang apektado ng krisis sa langis at ng banta ng El Niño.

Nakapaloob sa pondo ang P2.2 bilyon para sa tulong-pampataba o fertilizer assistance, P1 bilyong fuel assistance para sa mga magsasaka, at hiwalay na P1 bilyong fuel assistance para sa mga mangingisda.

Kasama rin dito ang karagdagang P1 bilyong cash assistance sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program o PAFFP.

Samantala, inihayag din ng ahensya na inaasahan nilang mas mababa sa isang milyong metriko tonelada ang magiging pagkalugi sa sektor ng palay dahil sa pagtama ng El Niño.

Bahagi ito ng kanilang patuloy na paghahanda upang maibsan ang posibleng epekto ng tagtuyot sa produksyon ng pagkain at kabuhayan ng mga lokal na prodyuser sa bansa.