-- Advertisements --

Personal na tinungo at nakipagugnayan ang Department of Agriculture (DA) sa mga lokal na magsasaka sa Benguet sa pangunguna yan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. upang kamustahin ang kasalukuyang bentahan at supply ng mga gulay mula sa rehiyon.

Nasentro sa naging talakayan ang halos madoble at tripleng gastos ng mga stakeholders sa pagpapadala lamang ng mga gulay mula sa mga farms hanggang sa mga trading centers patungo sa mga pamilihan at merkado.

Ayon sa mga magsasaka, mula sa dating dalwang toneladang truck na nagkakahalaga ang gas ng P4,000 ay umakyat na umano sa halos P8,000 piso ang halaga ng gastos sa krudo sa kasalukuyan.

Sinabi rin ng ilang mga truckers association na mula sa inisyal na gastos nila na P15,000 kada biyahe halos pumalo na sa P35,000 per trip ang kanilang gastos mula yan sa La Trinidad Trading Centers hanggang sa mga merkado sa Metro Manila.

Dahil dito, nakikita na posible itong maging dahilan ng pagkakaroon ng halos P1.00 hanggang P2.00 dagdag sa presyo ng mga gulay sa magiging kada kilo kapag ibinagsak na sa mga pamilihan.

Bilang solusyon, siniguro ng Agriculture Department na patuloy na inihahanda ng kanilang tanggapan ang fuel subsidy na nakatakdang ipamahagi sa mga truckers association para maibsan at hindi maputol ang delivery ng mga raw materials mula sa mga farms patungo sa mga palengke sa Maynila.

Maliban dito, nagtalaga na rin ng mga trucks ang DA sa pakikipagtulungan na rin ng departamento sa mga lokal na pamahalaan upang hanguin ang mga gulay hanggang bagsakan nang mabawasan ang gastusin ng mga magsasaka sa gasolina.

Samantala, matapos nito ay tiniyak naman ni Tiu Laurel Jr. na magkakaroon pa ng mga susunod na diskurso at talakayan hinggil dito para mas pahusayin pa ang mga nakahandang interventions ng pamahalaan para sa mga magsasaka at maging sa mga transport operators.