Nagpahayag ng pagkabahala si dating Gabriela women’s party Representative Arlene Brosas sa umano’y tumitinding online attacks laban kay house prosecutor at San Juan city Representative Ysabel Maria “Bel” Zamora.
Ayon kay Brosas, ginagamit umano ang Artificial Intelligence at deepfakes para gumawa ng peke at mapanirang content laban kay zamora, kabilang ang sexualized material na maaaring makasira sa kanyang reputasyon at seguridad.
Sinabi ni Brosas na maaaring ginagamit ang naturang content upang hiyain, siraan at patahimikin si Zamora, gayundin upang takutin siya sa pagtupad sa kanyang tungkulin bilang isa sa mga prosecutor sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Giit ng dating mambabatas, sa halip na personal na pag-atake, dapat nakatuon ang pampublikong diskusyon sa mga tanong at isyung inihaharap sa impeachment court, gayundin sa usapin ng transparency at accountability.
Nanawagan si Brosas na itigil ang paggamit ng AI at deepfake para manghiya o manakot ng mga kababaihang nagsasalita at gumaganap ng kanilang tungkulin.
















