-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM) na hindi zero ang pondo para sa hiring ng public school teachers sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.

Ayon sa dalawang ahensya, may nakalaang P31.220 bilyon para sa pagpuno ng 64,530 authorized teaching positions sa mga pampublikong paaralan.

Ang paglilinaw ay kasunod ng mga ulat na walang nakalaang pondo para sa bagong teacher hiring sa panukalang Fiscal Year 2027 budget.

Giit ng DepEd at DBM, hindi dapat ipakahulugan na walang pondo para sa teacher hiring ang kawalan ng isang hiwalay na allocation para sa bagong posisyon. May mga teaching position na awtorisado na at may kaukulang pondo para sa mga ito sa proposed budget.

Sa mas malawak na panukalang budget ng DepEd, nakapaloob din ang mas malaking Personnel Services allocation. Ayon sa DBM, nasa P61.02 bilyon ang net increase sa Personnel Services funding ng DepEd para sa 2027, bahagi ng halos P1-trilyong budget para sa ahensya.

Sinabi rin ng DBM na kabilang sa mga prayoridad sa 2027 budget ang kapakanan at professional development ng mga guro, kabilang ang P12.09 bilyon para sa Expanded Career Progression System at P10.36 bilyon para sa pagpapatuloy ng P10,000 teaching allowance.

Sa kabila nito, mananatiling panukala pa lamang ang FY 2027 National Budget at maaari pa itong magbago habang dumaraan sa deliberasyon ng Kongreso bago tuluyang maisabatas.