-- Advertisements --

Inilatag na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mas mahigpit na seguridad sa mga pantalan sa bansa bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas 2026.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, bagaman hindi pa gaanong marami ang mga pasahero sa mga pantalan, naka-deploy na ang nasa 17,000 tauhan ng ahensya upang tiyakin ang kaligtasan ng mga biyahero.

Naka-high alert status ang PCG simula ngayong Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3, kasabay ng inaasahang pagdami ng mga pasaherong bibiyahe sa mga lalawigan.

Inaasahan namang bukas, Oktubre 30, magsisimulang dumami ang mga biyahero sa mga pantalan sa bansa.

Nakapuwesto na rin ang mga passenger assistance desk na maaaring lapitan ng mga biyahero na mangangailangan ng impormasyon at paunang tulong medikal.

Kasabay nito, pinaigting din ng PCG ang pre-departure inspection sa mga barkong bibiyahe upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga itinakdang pamantayan sa kaligtasan.

Kabilang sa mga sinusuri ang tamang pagsasalansan ng mga kargamento upang hindi makaharang sa mga pasilyo at emergency exit, gayundin ang kahandaan ng fire-fighting equipment at mga plano ng barko sakaling magkaroon ng sunog o iba pang emergency.

Mahigpit ding ipatutupad ng PCG ang pagbabawal sa pagsakay ng mga pasaherong lampas sa pinahihintulutang kapasidad ng bawat barko.

Ayon kay Cayabyab, mahalagang matiyak na hindi sosobra sa itinakdang passenger capacity ang mga barko upang maiwasan ang mga aksidente at iba pang insidente sa karagatan, lalo na sa panahon ng mataas na volume ng mga biyahero.

Pinapayuhan din ang mga bibiyahe na maglaan ng sapat na oras sa pagpunta sa pantalan upang maiwasan ang pagmamadali at abala sa kanilang biyahe ngayong Undas.