Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P27.410 bilyong halaga para sa medical assistance sa mga mahihirap na Pilipino sa buong bansa.
Ayon sa ahensiya, gagamitin ang pondo sa patuloy na implementasyon ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program ng Department of Health (DOH).
Sa ilalim ng programa, binibigyan ng tulong ang mga pasyenteng hindi buong mabayaran ang kanilang gatusin sa pagpapagamot at iba pang medical services lalo na ang mga pamilyang nahihirapan sa gastusin ng kanilang pagkakaospital, medisina, emergency treatment, professional fees sa doktor at iba pang pangangailangang pangkalusugan.
Malaking parte rin ng pondo ay mapupunta sa Centers for Health Development (CHDs) para suportahan ang paghahatid ng medical assistance sa pamamagitan ng kanilang partner local government hospitals, privately owned institutions at iba pang health facilities sa bansa.
Susuportahan din sa pondo ang DOH hospitals sa Metro Manila at iba pang rehiyon gayundin ang pagpapatupad ng eMAIFIP sa pamamagitan ng eGovPH superapp.
Ayon kay Budget Secretary KIm Robert de Leon, layunin ng paglalabas ng naturang pondo na maibigay ang tunay na tulong sa hospital level, kung saan hindi na kailangan pang balikatin ng mga pamilya ang gastusin mula sa kanilang sariling bulsa.
















