-- Advertisements --

Bumaba ang mga kasong naitala sa Pilipinas bago tumama ang mga bagyo.

Sa datos ng Department of Health (DOH) mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 11, mula sa mahigit 15,000 kaso ng dengue bumaba ito ng walong porsyento noong Oktubre 12 hanggang Oktubre 25 na may naitalang 14,038 na kaso ng dengue.

Ayon sa ahensiya, ito ang linggo bago manalasa sa bansa ang nagdaang mga bagyong Tino at Super Typhoon Uwan na nag-iwan ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang mga rehiyon sa bansa.

Paliwanag ng kagawaran na mataas ang posibildiad na may mga naiwang containers na naimbakan ng tubig na posibleng pinangitlugan ng lamok na nagdadala ng sakit na dengue pagkatapos ng pananalasa ng mga nagdaang bagyo.

Bunsod nito, muling nagpaalala ang ahensiya sa publiko na huwag magpakampante at mas pagtingin pa ang pagsasagawa ng “taob, taktak, tuyo at takip” sa mga lagayang naimbakan ng tubig tulad ng sirang gulong, paso, basurahan at iba pa.

Kapag nakaramdam naman ng mga sintomas ng sakit gaya ng lagnat, pantal, pananakit ng katawan, kalamnan at mata, pagkahilo at pagsusuka, dapat na agad magpakonsulta sa doktor o pinakamalapit na health center sa inyong lugar.