Ibinabala ng Department of Health (DOH) ang posibleng outbreak ng sakit na measles o tigdas at rubella o tigdas-hangin sa Mindanao.
Ito ay kung mabigo ang rehiyon na maabot ang tinatawag na “herd immunity” o community immunity laban sa sakit.
Ayon sa ahensiya, mayroon pang mahigit kalahating milyon ang hindi bakunado sa Mindanao.
Sa datos ng DOH nitong Pebrero 20, mayroon ng 2.3 milyong bata o katumbas ng 82% ng target mabakunahan sa rehiyon ang nakatanggap na ng kanilang bakuna.
Subalit, ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ang kasalukuyang progreso sa pagbabakuna ay hindi pa rin sapat para maabot ang target na pagbakuna sa 95% ng mga bata para maabot ang herd immunity.
Aniya, kung maraming bata ang mananatiling hindi bakunado, mas marami sa kanila ang maaaring maimpeksiyon na magpapataas sa posibilidad ng outbreak dahil sa pagiging bulnerable ng mga bata.
Pero kung 95% ng mga bata ang protektado, hindi magkakaroon ng outbreak dahil hindi na kakalat ang virus kung bakunado na ang mga ito.
Kaugnay nito, hinimok ng kalihim ang mga magulang na pabakunahan ang mga bata ng dalawang doses kalakip ang regular na pagpapabakuna.
















