Nilinaw ng defense lawyer ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na hindi pagpatay kundi pag-aresto ang ibig sabihin ng neutralization sa police operations sa anti-illegal drugs campaign.
Ginawa ni Kaufman ang paglilinaw bilang tugon sa iprinisentang ebidensiya ng Prosekusyon na “PRRD list” na binansagan sa media report bilang “kill list” kung saan ang ilang high value targets kabilang sina dating Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. at Raul Yap ay itinala bilang “neutralized” o napatay.
Ikinatuwiran ni Kaufman na ipinaliwanag mismo ng testigo ng prosekusyon na ang neutralization sa police operations ay nangangahulugang pag-aresto at hindi pagpatay.
Depensa ni Kaufman na ang neutralization ay isang lawful restraint o legal na pag-aresto o pagpigil sa kriminal at hindi awtomatikong pagpatay.
Ipinaliwanag din aniya ng dalawang testigo na maaaring gumamit lamang ng “lethal force” kung ang suspek ay nanlaban na maglalagay sa buhay ng police officer sa panganib, na salig sa ordinary doctrine ng self-defense.
Gayundin, hayagang nilinaw noon ni dating Philippine National Police (PNP) chief at kasalukuyang Senador Ronald dela Rosa na ang neutralization ay nangangahulugan ng pag-aresto o paghuli base sa PNP operational procedure manual.
“Neutralization is a police intervention in strict accord with the use of force continuum and/or principle of proportionality on the use of force to contain or stop the unlawful aggression of the offender,” paglalarawan ni Kaufman sa terminong neutralization.
Binigyang diin din ng depensa na hindi naglabas ng ruling ang Korte Suprema ng Pilipinas na nagdedeklara sa drug war bilang labag sa batas at hindi rin pinawalang bisa ang mga circular ng PNP na naglalaman ng naturang termino.
Sa kabilang banda, sinabi ng mga testigo ng prosekusyon sa ICC na sa konteksto ng Oplan Tokhang, ang “neutralize” ay nangangahulugan ng utos na pumatay.
















