Ipinaliwanag ng prosekusyon sa International Criminal Court (ICC) ang umano’y papel ng mga “co-perpetrator” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatupad ng war on drugs mula sa kanyang pamumuno bilang alkalde ng Davao City hanggang sa pagiging pangulo.
Ayon kay Prosecutor Robynne Croft, may “hierarchical structure” umanong binuo si Duterte kung saan ang mga utos ay nagmumula sa kanya pababa sa mga opisyal at miyembro ng Davao Death Squad (DDS), na kalaunan ay pinalawak pa sa national level.
Kabilang sa mga binanggit na umano’y kasabwat sina Ronald “Bato” dela Rosa bilang hepe ng Davao City Police; Vicente Danao, hepe noon ng Davao City Police; Camilo Cascolan (inance chief of Davao City Police); Christopher Lawrence “Bong” Go (special assistant); Dante Gierran (Davao Director of NBI); at Vitaliano Aguirre II bilang abogado at kalaunan nang naging Pangulo na si Duterte ay nanatili ang mga miyembro ng tinawag ng prosekusyon na “common plan” kung saan naidagdag bilang umano’y kasabwat sina Oscar Albayalde bilang regional director noon ng NCRPO), at Isidro Lapeña bilang hepe noon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Inilahad din ang naging papel ni Dela Rosa, na sinabing bumuo ng “Tokhang” operations na naging modelo umano ng mga operasyon sa ilalim ng Oplan Double Barrel.
Ayon sa prosekusyon, batay sa isang insider witness, ang salitang “neutralize” sa memorandum ay ginamit upang ipahiwatig ang utos na pumatay.
Sinabi rin ng Prosecutor na kontrolado umano ng mga co-perpetrator ang ehekutibo, pulisya, PDEA, National Bureau of Investigation at Department of Justice, na nagresulta umano sa “climate of impunity.” Partikular na binanggit si Aguirre, na umano’y ginamit ang kanyang posisyon upang hindi maisulong ang karamihan sa mga kaso laban sa mga sangkot.
Samantala, nauna nang iginiit ng depensa sa pangunguna ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman na inosente ang dating pangulo at ang kanyang mga pahayag noon ay retorika lamang, at may mga utos din umano siyang gumamit lamang ng puwersa para sa self-defense.















