-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Health (DOH) noong Sabado na patuloy na nanganganib ang Mindanao sa measles at rubella outbreaks dahil sa malaking bilang ng mga batang wala pang natatanggap na routine immunization.

Ayon sa DOH, tinatayang aabot sa 520,645 batang may edad limang taon pababa sa Mindanao ang hindi pa nababakunahan laban sa measles at rubella.

Matapos ang pagtatapos ng Measles-Rubella at Supplemental Immunization Activity (MR-SIA) sa lugar noong Biyernes, naabot lamang ng ahensya ang 82% ng target nito. Kung saan plano ng DOH na mabakunahan ang 2.8 milyong bata sa Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), o may 95% coverage, upang makamit ang herd immunity.

Paliwanag ni DOH Secretary Teodoro Herbosa, na kapag marami ang hindi bakunado, mas mabilis ang hawaan na nagreresulta ng mas mabilis na outbreak.

Binanggit din ni Herbosa na ang paulit-ulit na hindi pagtupad sa vaccination targets sa nakalipas na mga taon ay nagpapataas ng bilang ng hindi nabakunahan, na nagpapalala sa panganib ng outbreak.

Nagpaalala ang DOH sa mga magulang at tagapag-alaga ng mga bata na siguraduhing mabakunahan ang kanilang mga anak.

Sinigundahan naman ng Imam Council of the Philippines ang vaccination programs ng gobyerno, na anila’y hindi sumasalungat sa aral ng Islam.

“Hindi lang tayo dasal nang dasal. Ilapit natin at pabakunahan natin yung mga anak po natin. Para po yan sa protection ng ating mga anak at ating mga mahal sa buhay,” ayon sa pahayag.

“Ang concept ng Islam ay basta hindi nakakasira sa katawan o mind ng bawa’t tao. Mahalaga po yun na mabigyan natin ng kahalagahan itong pag-preserba sa ating buhay,” dagdag pa ng Konseho.