-- Advertisements --

Pinalalakas ng Department of Health (DOH) ang tulong medikal para sa mga indigent at financially incapacitated patients sa pamamagitan ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program.

Inatasan ni Executive Secretary Ralph Recto ang DOH na makipag-ugnayan sa regional directors at mga partner hospital upang beripikahin ang mga account payable at mapabilis ang pagproseso ng mga lehitimong claim.

Gagamitin ang MAIFIP funds para sa hospitalization, gamot, emergency treatment, professional fees at iba pang kinakailangang gastusing medikal.

Kasunod ito ng paglalaan ng Department of Budget and Management ng P27.4 bilyon sa DOH para sa pagpapatuloy ng MAIFIP sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.

Sa kabuuang pondo, P19.145 bilyon ang ilalaan sa DOH Centers for Health Development para sa medical assistance sa pamamagitan ng regional networks at partner healthcare facilities.

P4.353 bilyon naman ang mapupunta sa DOH hospitals sa Metro Manila at mga rehiyon, habang P2.910 bilyon ang ilalaan sa Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center at Philippine Heart Center.

Makakatanggap ang University of the Philippines-Philippine General Hospital ng P950 milyon at P52 milyon naman ang ilalaan sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers.

Ayon kay Recto, mahalaga ang mabilis na pagproseso ng claims upang patuloy na makapagbigay ng serbisyo ang mga ospital at matulungan ang mga pasyenteng nangangailangan ng agarang gamutang medikal.