Hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na gamitin ang National Emergency Hotline 911 sakaling kailanganin ng emergency care sa gitna ng matinding epekto ng El Niño sa kalusugan.
Kaugnay ito ng inaasahang matinding El Niño sa bansa hanggang sa unang quarter ng susunod na taon, dahilan upang mangamba ang maraming Pilipino sa maidudulot nitong epekto.
Pangunahin sa mga kinatatakutang epekto nito ay ang heat exhaustion na maaaring mauwi sa heat stroke isang nakamamatay na medical emergency.
Maaari itong mauwi sa pagkawala ng malay, magkaroon ng mapanganib na mataas na temperatura ng katawan, mahirapan sa paghinga, at makaranas ng pagkalito, pagkautal, o kombulsyon.
Dahil dito, ipinaalala ng ahensya na sakaling makakita ng anumang senyales ng heat stroke, agad na tumawag sa 911 o kaya ay dalhin ang pasyente sa pinakamalapit na pagamutan.
Inirerekomenda ng ahensya ang pagsusuot ng magagaan, maluluwag, at light-colored na damit, pati na rin ang madalas na pag-inom ng walo hanggang sampung baso ng tubig araw-araw.
















