Pumalo na sa P10.44 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsala at pagkaluging naitala ng Department of Agriculture (DA) sa sektor ng agrikultura dahil sa matinding epekto ng El Niño.
Umabot sa mahigit 338,000 magsasaka at mangingisda ang labis na naapektuhan matapos manalanta ang tagtuyot sa mahigit 332,000 ektaryang lupang sakahan sa iba’t ibang panig ng bansa, kung saan napinsala ang mga tanim na palay, mais, kamoteng kahoy, high-value crops, pati na ang mga alagang hayop.
Bilang tugon, nakapaghatid na ang kagawaran ng P18.64 bilyong halaga ng tulong sa mga apektadong sektor sa pamamagitan ng pinansyal na ayuda, mga binhi, abono, at crop insurance.
Batay naman sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang tatagal ang malakas na El Niño hanggang sa unang bahagi ng 2027 at posibleng umabot sa pinakamatinding antas nito bago matapos ang taong ito.
Tiniyak ng DA na nananatili silang nakatutok sa sitwasyon upang bantayan ang lawak ng pinsala at tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain sa kabila ng nagpapatuloy na tagtuyot.














