Itinanggi ni National Security Adviser Eduardo Año ang akusasyon ng 18 nagpakilalang Marines na nakatanggap siya ng paper bag na naglalaman ng limpak na pera matapos makipagkita kina dating Congressman Zaldy Co, dating House Speaker Martin Romualdez at Rep. Leila de Lima sa Polo Club townhouse.
Nilinaw ni Año na hindi kailanman siya dumalo sa anumang pulong kasama sina Romualdez, Co at de Lima sa naturang lugar o sa iba pang lokasyon at hindi rin umano siya tumanggap ng anumang paper bags o package mula sa kanila.
Tinawag ni Año ang naturang paratang na walang katotohanan at gawa-gawa lamang.
Aniya, hindi niya hahayaan ang anumang pagtatangkang dungisan ang kaniyang reputasyon at iginiit na nakahanda ang kaniyang legal team na gawin ang lahat ng kaukulang aksiyon.
Magsasagawa aniya ang kaniyang tanggapan ng kanilang sariling imbestigasyon upang matukoy kung ang naturang “malicious stunt” ay parte ng mas malawak pang pagsisikap para sirain o i-destabilize ang mga institusyon ng gobyerno, dahil sa timing ng isyu sa gitna ng mga pagdinig sa International Criminal Court kaugnay sa mga kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ika-40 anibersaryo ng 1986 People Power Revolution at ang One Time Big Time mass action.
Hinimok din ni Año ang publiko na maging discerning at huwag papaguyo sa maling impormasyon at tiniyak na magpapatuloy ang pamahalaan sa pagtugon sa lehitimong concerns sa pamamagitan ng kaukulang channels at pagpapairal ng rule of law sa lahat ng pagkakataon.















