-- Advertisements --

Inihayag ni Atty. Neri Colmenares sa isang eksklusibong panayam sa Bombo Radyo na mahihirapang makumbinsi ang impeachment court sa mga ihaharap na testigo ng depensa dahil nagsisilbi lamang silang mga secondary witness.

Ayon sa human rights lawyer, malaki ang hamon sa depensa dahil aniya ay maituturing na kulang sa direktang kinalaman ang mga naturang saksi sa mga alegasyon ng Article 2 kaugnay ng unexplained wealth na umaabot sa P800 milyon hanggang P1.5 bilyon.

Matatandaang nauna na ring umatras ang isa sa mahigit 20 na ipinasang testigo ng kampo na si Dean Ralph Sarmiento.

Sa halip na umasa umano sa mga secondary witness, iminungkahi niya na mas mabisang si Vice President Sara Duterte mismo ang humarap sa pagdinig upang direktang magpaliwanag sa publiko at sa hukuman.

Paliwanag pa niya, karaniwan sa isang indibidwal na naninindigang inosente na kusang tumestigo dahil nais nitong personal na makumbinsi ang husgado sa pamamagitan ng direktang paglilinaw sa mga paratang.

Gayunpaman, kinilala rin ni Colmenares ang mga kaakibat na panganib ng pagharap ni Duterte, lalo na kung may mga katanungang mahihirapan itong sagutin o ipaliwanag nang may katibayan ukol sa mga kinakaharap na isyu sa pera.

Muling magbubukas ang impeachment trial sa Lunes, Nobyembre 9, para sa pagpresentsa naman ng depensa ng mga testigo at ebidensya laban sa mga aksusasyon.