Inihayag ng prosekusyon sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo na iginagalang ng kanilang kampo ang pag-atras ni Dean Ralph Sarmiento, na magsisilbi sana bilang pangunahing testigo ng panig ng depensa para sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Nobyembre 9 hinggil sa usapin ng Article II o ang mga paratang na “unexplained wealth.”
Gayunpaman, ayon sa prosekusyon, maituturing din itong pahiwatig na sadyang mabigat at mahirap depensahan ang mga paratang na ibinabato laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Prosecution Panel Representative Joel Chua, nakarating din sa kanilang kaalaman na maging ang ilang hinirang na financial expert ay tinanggihan o hindi tinanggap ang alok na tumestigo para sa nasabing panig.
Paliwanag ni Chua, magiging mahirap para sa sinuman ang sumubok na sumalungat o umalma sa mga testimonya ng mga eksperto na inihain ng prosekusyon, lalo na’t kilala ang mga ito sa malawak na kredensyal at dumaan sa masinsin at malalim na pag-aaral.
Dagdag pa niya, kabilang sa mga dapat isaalang-alang ay ang haba ng panahong gugulin sa witness stand dahil ang proseso ng cross-examination ay hindi basta-basta natatapos sa loob lamang ng isang linggo, at hindi rin basta tatanggapin ang anumang pahayag nang walang kaukulang pagsusuri.
Samantala, sinusuri na rin ng prosekusyon ang inilabas na listahan ng mahigit 20 pangalan ng mga posibleng iharap na saksi, bagamat napansin nilang walang malinaw na layunin o pahayag na inihayag para sa huling tatlong testigong nakatala.
Ayon kay Chua, patuloy nilang pinag-aaralan at pinaghahandaan ang mga posibleng ilahad na pahayag ng mga ito upang maihanda ang angkop na hakbang sa nagpapatuloy na paglilitis.













