-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na higit 300 HIV care facilities na ang kasalukuyang nagpapatakbo sa bansa upang mas mapalapit ang serbisyo para sa mga Pilipino.

Ayon sa DOH, may 338 pasilidad na nagbibigay ng libreng HIV-related services tulad ng screening at confirmatory testing, antiretroviral therapy, counseling, combination prevention methods, at viral load testing.

Sa kabuuan, 186 sa mga pasilidad ay matatagpuan sa Luzon, 77 sa Visayas, at 75 sa Mindanao, bilang bahagi ng hakbang ng DOH na gawing mas accessible ang HIV care sa iba’t ibang rehiyon.

Ani Health Secretary Teodoro Herbosa, makakatulong ang pagdami ng treatment hubs upang mapadali ang testing. Sinabi rin niyang ipinamamahagi ang self-test kits sa pamamagitan ng civil society organizations.

Kasabay nito, nagbibigay ang Philippine Health Insurance Corporation ng Outpatient HIV/AIDS Treatment (OHAT) Package na hanggang P58,500 kada pasyente bawat taon para suportahan ang mga sumasailalim sa paggamot.

Ani Herbosa, nakikipag-usap din siya sa United States Department of State para sa access sa lenacapavir, isang long-acting injectable treatment na ini-inject dalawang beses sa isang taon.

Binigyang-diin ng DOH na patuloy na lumalala ang HIV sa bansa, at ayon sa projection, maaaring lumampas sa 457,000 ang bilang ng taong may HIV sa Pilipinas pagsapit ng 2030 kung tuloy-tuloy ang kasalukuyang trend.