-- Advertisements --

Alerto ngayon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa mga sindikatong gumagamit ng pangalan at larawan ni Secretary Rex Gatchalian upang makapangikil ng pera.

Sa inilabas na abiso ng ahensya, talamak ngayon ang solicitation scam sa mga messaging apps tulad ng Signal at WhatsApp.

Modus ng mga suspek na gamitin ang pagkakakilanlan ng kalihim, o di kaya ay magpakilalang aide at staff nito, upang manghingi ng malaking halaga ng donasyon para umano sa mga foundation.

Mariin namang nilinaw ni Gatchalian na wala siyang binibigyang pahintulot na sinuman para mangalap ng pondo.

Payo ng DSWD sa publiko, maging mapanuri at huwag basta-basta magpapadala ng pera.

Hinimok din nila ang mamamayan na i-verify muna ang matatanggap na mensahe at i-report ito sa kanilang opisyal na tanggapan.