Umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na lalo pang lalakas ang relasyon ng Pilipinas sa Netherlands at Switzerland matapos tanggapin ang credentials ng kanilang mga bagong ambassador.
Sa hiwalay na seremonya sa Malacañang, tinanggap ni Marcos ang credentials Nina Dutch Ambassador Roderick Wols at Swiss Ambassador Edgard Christoph Doerig.
Sa Netherlands, binigyang-diin ni Marcos ang oportunidad na palawakin ang kooperasyon sa trade, investment, water management, transportation at infrastructure, bukod sa matagal nang people-to-people ties ng dalawang bansa.
Samantala, sinabi ni Marcos na umaasa siyang lalo pang magiging malapit ang Pilipinas at Switzerland sa ilalim ng termino ni Doerig.
Binanggit naman ng Swiss envoy ang matagal nang political at economic ties ng dalawang bansa, kabilang ang pagbisita noon ni Jose Rizal sa Switzerland.
Sa susunod na taon, kapwa bansa ay magmamarka ng ika-70 anibersaryo ng kanilang diplomatic relations, na nakikitang pagkakataon upang higit pang mapalalim ang bilateral cooperation.
















