-- Advertisements --

Ipinatupad ng pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes ang mandatory evacuation sa mga lugar na itinuturing na high-risk ngayong Linggo, Pebrero 8, matapos magdulot ng malalakas na pag-ulan ang shear line na nagresulta sa pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang bayan ng lalawigan.

Ayon kay Governor Patrick Alain Azanza, naatasan na umano ang lahat ng alkalde at mga chairperson ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) na agad ipatupad ang sapilitang paglikas, lalo na sa mga lugar na landslide-prone, mabababang komunidad, tabing-ilog, at mga baybaying lugar na delikado pag nag baha, pagguho ng lupa, at storm surge. Kabilang sa mga apektadong bayan ang San Miguel, Viga, Bato, at Bagamanoc.

Sa isang memorandum, binigyang-diin ng gobernador na magkakaroon ng kaukulang aksyon laban sa mga residenteng tatangging sumunod sa evacuation orders, bilang bahagi ng hakbang upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng masamang panahon.

Samantala, kinumpirma ng pulisya ang pagkasawi ng isang 32-anyos na lalaki matapos itong tangayin ng rumaragasang baha sa Barangay Bigaa, Virac. 

Batay sa ulat ng Virac Municipal Police Station, pauwi ang biktima sakay ng motorsiklo patungong Barangay Hicming nang subukan nitong tawirin ang lubog na bahagi ng kalsada malapit sa isang diversion road.