-- Advertisements --

Inilagay ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa heightened alert ang mga evacuation center, ospital, at health center sa Lungsod ng Maynila ngayong Sabado, Agosto 29, habang bukas na rin ang lahat ng district welfare offices para sa mga apektadong residente.

Dulot ng pinagsamang Habagat at mga thunderstorm ang naranasang matinding pag-ulan sa lungsod na nagdulot ng pagbaha sa ilang bahagi ng Taft Avenue kabilang ang mga lugar malapit sa Quirino Avenue, United Nations Avenue, Kalaw, at NBI.

Nananatili sa ilalim ng Red Rainfall Warning ang buong Metro Manila matapos magtala ang mga sensor ng malakas hanggang sa matinding pagbuhos ng ulan mula pa kaninang alas-5:00 ng umaga.

Upang maprotektahan ang mga residente laban sa leptospirosis sa gitna ng baha, naglaan ang pamahalaang lungsod ng mga kapsula ng Doxycycline sa 44 na health center at pitong pampublikong ospital.

Inatasan din ng alkalde ang mga kawani ng kalusugan at opisyal ng barangay na bumaba sa mga komunidad para sa masinsinang kampanya laban sa nabanggit na sakit.

Samantala, patuloy ang pagsasagawa ng declogging sa mga estero ng 896 na barangay alinsunod sa Executive Order No. 3 habang nananatili namang normal at walang naitalang kaantalaan sa paghahakot ng basura sa buong lungsod.