-- Advertisements --

Umabot na sa 289 ang kumpirmadong nasawi matapos manalasa ang malawakang flash flood sa Northern Nepal nitong Miyerkules, Agosto 26, 2026, habang patuloy na isinasagawa ang search and rescue operations para sa daan-daang nawawala.

Ayon sa Nepal National Disaster Risk Reduction and Management Authority, 258 katawan na ang narekober habang 351 katao naman ang nailigtas. Kabilang sa mahigit 900 na iniulat na nawawala ang 517 foreign citizens.

Patuloy ang operasyon ng mga awtoridad sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagbaha upang hanapin ang mga nawawala at matukoy ang kabuuang lawak ng pinsala.

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mamamayan ng Nepal na naapektuhan ng trahedya.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na nakikiisa ang Pilipinas sa Nepal at sa lahat ng biktima ng mapaminsalang flash flood, lalo na sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.

Nagpaabot din siya ng panalangin para sa lakas at katatagan ng mga naapektuhan habang nagpapatuloy ang rescue at recovery operations.