-- Advertisements --

Namahagi ang Philippine Sports Commission (PSC) ng kabuuang P2.7 milyong cash incentives sa mga atletang Pilipinong nag-uwi ng medalya mula sa 2026 Asian Beach Games sa Sanya, China.

Higit na napag-ibayo ng Pilipinas ang performance nito matapos makasungkit ng tatlong ginto, apat na pilak, at dalawang tanso kumpara sa dalawang gintong medalya noong 2016 edition sa Da Nang, Vietnam.

Kabilang sa mga tumanggap ng tig-P500,000 para sa kanilang gintong medalya sina jiu-jitsu standouts Annie Ramirez at Alex Enriquez, pati na rin ang high jumper na si Leonard Grospe.

Nakatanggap naman ng tig-P250,000 ang mga silver medalist na sina Emily Thomas sa jiu-jitsu at Dhenver Castillo sa sailing, habang pinaghatian ng women’s relay at 3×3 basketball teams ang kani-kanilang team incentive.

Pinarangalan din ng tig-P100,000 ang mga bronze medalist na sina Kaila Napolis at sprinter Jessica Laurance, habang ang mga pambansang coach ay makatatanggap naman ng insentibong katumbas ng kalahati ng napanalunan ng kanilang mga atleta.

Ang pagkakaloob ng pondo ay batay sa Republic Act No. 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act bilang pagkilala sa patuloy na tagumpay ng bansa sa international sports scene.