Pinulong ni Pangasinan Governor at PDRRMC Chairman Ramon “Mon-Mon” Guico III ang Provincial Response Cluster kasunod ng opisyal na pagdedeklara ng State of Calamity sa lalawigan bunsod ng malawakan at matinding pagbaha.
Inihayag ni Governor Guico na pangunahing prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang mabilis na pag-rescue sa mga residenteng nangangailangan ng tulong, pati na rin ang pagpapadala ng kinakailangang suporta para sa mga pamilyang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center.
Batay sa huling ulat ng mga awtoridad, umakyat na sa mahigit 1.2 milyong indibidwal ang naapektuhan ng kalamidad sa buong lalawigan, kung saan 28 munisipalidad at apat na lungsod ang direktang tinamaan ng masamang panahon.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 213 barangay mula sa 15 munisipalidad ang lubog sa tubig-baha, habang tinatayang 2,700 pamilya o halos 8,000 indibidwal ang pansamantalang nakatira sa mga evacuation center.
Patuloy namang binabantayan ng mga response teams ang Sinocalan at Marusay River, pati na rin ang iba pang mga ilog na nasa kritikal na antas sa gitna at kanlurang bahagi ng Pangasinan.
Nanawagan din ang gobernador sa mga residenteng naninirahan sa mga mabababang lugar na huwag mag-atubiling lumikas at makipag-ugnayan agad sa mga awtoridad, habang tiniyak ang tuluy-tuloy na relief operations at suporta ng provincial government para sa mabilis na pagbangon ng mga apektadong komunidad.
















