-- Advertisements --

Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Martes, Oktubre 20, ang Super Typhoon na may international name na Champi at tatawaging Rosal, na posibleng magdala ng malalakas na hangin at matinding pag-ulan sa Hilagang Luzon at Bicol Region, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa 5 a.m. bulletin nito nitong Linggo, Oktubre 18, sinabi ng PAGASA na lumakas bilang super typhoon ang Champi habang nasa karagatan malapit sa Guam.

Batay sa tala ng ahensya dakong alas-4 ng madaling-araw, namataan ang bagyo sa layong 2,230 kilometro silangan ng timog-silangang Luzon. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.

Taglay ng Champi ang maximum sustained winds na 185 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugsong umaabot sa 230 kilometro kada oras.

Ayon sa PAGASA, inaasahang mananatili itong super typhoon bago unti-unting humina pagsapit ng Miyerkules.

Dahil dito posible ring magpatupad ng mga tropical cyclone wind signal sa hilaga at silangang bahagi ng Hilagang Luzon at ilang lugar sa Bicol Region pagsapit ng Lunes ng gabi o Martes ng umaga dahil sa inaasahang malalakas na hangin na dulot ng bagyo.

Pagsapit naman ng Miyerkules o Huwebes, maaari ring makaranas ng malalakas na pagbugso ng hangin ang ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.

Inaasahan ding magdadala ng malakas na pag-ulan ang Rosal sa pinakahilagang bahagi ng Luzon.

Pinapayuhan ang mga residente sa mga posibleng maapektuhang lugar na patuloy na subaybayan ang mga susunod na abiso ng PAGASA at makinig sa mga babala ng kanilang lokal na pamahalaan.