Nanawagan si Sen. Jinggoy Estrada na pairalin ang diplomasya at paggalang sa batas sa gitna ng mga panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan kasunod sa pahayag nitong madaling mananalo ang Beijing kung gagamit ito ng puwersa kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea (WPS).
Bagama’t nauunawaan umano ni Estrada ang pagkadismaya at pangamba ng publiko sa mga pahayag ng ambassador, sinabi niyang kailangang mariing ipahayag ng Pilipinas ang pagtutol nito nang hindi isinasara ang mga pintuan para sa diyalogo.
Binigyang-diin ni Estrada na hindi dapat basta isagawa ang deklarasyon ng persona non grata nang hindi isinasaalang-alang ang posibleng kahihinatnan nito.
Aniya, mas maipakikita ng Pilipinas ang paninindigan nito sa pamamagitan ng matatag na pagsunod sa batas, mga katotohanan at karapatan nito, sa halip na sa pamamagitan lamang ng matitinding pahayag.
Iginiit din ng senador na dapat igalang ng China ang 2016 Arbitral Award na nagsisilbing batayan ng paninindigan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Dagdag pa niya, kung tunay na hangad ng Beijing ang kapayapaan, dapat nitong igalang ang naturang arbitral award.
Sa huli, nanawagan si Estrada sa lahat ng panig na maghinahon at piliin ang diplomasya, paggalang sa isa’t isa at pagsunod sa batas sa pagharap sa mga usapin sa pagitan ng Pilipinas at China.















