Tiniyak ng Department of Finance (DOF) na may sapat na pondo ang pamahalaan para sa agarang pagtugon at rehabilitasyon sa mga lugar na tinamaan ng mga lindol at bagyo.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, sinisiguro ng DOF na laging may nakahandang pondo upang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa oras ng sakuna.
Hanggang Nobyembre 9, P17.85 bilyon na ang nailabas mula sa P21-bilyong Calamity Fund, habang P13.96 bilyon naman ang nailabas sa Quick Response Fund (QRF), kabilang ang P1.68 bilyon para sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Tino at Super Typhoon Uwan.
Tatanggap ng P1 bilyon ang Department of Agriculture (DA), P631 milyon ang DSWD, at P53 milyon ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa relief at rehabilitasyon.
Ipinag-utos din ni Recto sa mga government financial institutions (GFIs) at government-owned and controlled corporations (GOCCs) na pabilisin ang tulong-pinansyal sa mga apektadong komunidad.
Kasama ring tumutugon ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) at Small Business Corporation (SBCorp) upang matulungan ang mga magsasaka at MSMEs na makabangon mula sa pinsala ng mga kalamidad. (report by Bombo Jai)















