Kinumpirma ng Office of the Ombudsman na kanilang natanggap na ang mga isinumiteng ‘joint affidavit’ ng nagpakilalang mga dating sundalo at tauhan ni former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa inilabas na opisyal na pahayag ng tanod-bayan mula kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ibinahagi nitong kinilala ng tanod-bayan ang ‘transmittal’ sa naturang dokumento.
Ayon sa tanggapan, susuriin nilang maigi ang natanggap na joint affidavit mula sa mga nagpakilalang 18 dating sundalo na isinumite kahapon.
Subalit giit ng Ombudsman na hindi lamang nilalaman ng kanilang mga salaysay ang susuriin kundi maging ang mismong kredibilidad ng mga ‘affiants’ o partikular sa umano’y mga dating tauhan ng nabanggit na kongresista.
Pati mga iprenesentang ebidensya na nakapaloob sa mga salaysay ay maingat rin anilang isasailalim sa ‘assessment’ o pagsusuri.
Sa kabila nito pagtitiyak ng Office of the Ombudsman sa publiko na magiging patas, objective, at propesyunal ang kanilang pagtrato at aksyon gagawin sa natanggap na mga affidavits.
Kahapon, matapos ang paglitaw at pagharap ng mga nagpakilalang mga dating sundalo at tauhan ni former Cong. Zaldy Co ay pormal nang isinumite sa Ombudsman ang kanilang mga salaysay
Ito mismo ang inihayag ng nagunang abogado sa kanila na si Atty. Levito Baligod at nilinaw pang notaryado at pirmado ng mga nabanggit ang naturang dokumento.
Binubuo aniya ang salaysay mula sa 2 dating miyembro ng Philippine Army at 16 naman dating miyembro ng Philippine Marines.
Dagdag pa niya’y base sa sinumpaang salaysay ng mga dating sundalo ay naghatid umano sila ng male-maletang pera nanggaling kay Zaldy Co.
Ito aniya ang mga ipinamimigay ng naturang dating mambabatas sa mga opisyal ng gobyerno na pinangalanan sa joinf affidavit.
















