-- Advertisements --

Nagsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Richard Palpal-Latoc at tatlong opisyal kaugnay ng umano’y iregularidad sa travel claims para sa isang training sa ibang bansa.

Kabilang sa mga inireklamo ang 3 pang indibidwal. Ayon sa NBI, dumalo si Palpal-Latoc sa 2025 International Institute of Human Rights Summer School na pinondohan umano ng Friedrich Naumann Foundation for Freedom, ngunit nag-claim pa rin ng daily subsistence allowance at representation expenses.

Iginiit ng NBI na ipinagbabawal ng Executive Order No. 77 ang naturang claims kapag sagot na ng sponsor ang mga gastusin. Kinuwestiyon din nito ang umano’y hindi pagdedeklara sa sponsor at paggamit ng program agenda mula 2024 sa halip na mga dokumento para sa 2025 training.

Ayon sa NBI, ang unang sangkot ay nagpatunay sa pagkakumpleto ng mga dokumento, yung isa naman ang nagkumpirma sa pagkakaroon ng pondo, at yung isa pa ay nag-apruba sa bayad. Wala pang pahayag ang Ombudsman at CHR hinggil sa reklamo.