Iginiit ni Atty. Sheila Sison, lead counsel ng depensa ni Vice President Sara Duterte, na hindi makatarungan ang desisyon ng prosekusyon na bawiin ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban sa Bise Presidente, dahil naipahayag na sa publiko ang mga paratang laban sa kaniya.
Bagama’t iginagalang nila ang desisyon ng prosekusyon, sinabi ni Sison na hindi dapat makinabang ang mga prosecutor sa kanilang mga akusasyon nang Hindi sumasailalim ang mga Ito sa pagsusuri at pagkuwestiyon sa impeachment court.
Ayon kay Sison, narinig na ng impeachment court ang umano’y ebidensiya ng prosekusyon at ang interpretasyon nito sa mga naturang ebidensiya.
Nailahad na rin umano sa publiko ang mga paratang sa pamamagitan ng mga interjection, direct examination, at mga konklusyon at opinyong inilatag ng mga testigo.
Binigyang-diin ng abogado na hindi maaaring magpasya ang prosekusyon para sa respondent at sa depensa, lalo na matapos mailahad sa publiko ang mga alegasyon laban kay Duterte.
















