-- Advertisements --

Inalmahan ni Atty. Levito Baligod ang umano’y direktiba ng militar na bantayan ang lahat ng uri ng komunikasyon ng ilang personalidad, kabilang siya at si dating Rep. Mike Defensor.

Ayon kay Baligod, nagbigay umano ng utos ang AFP leadership sa mga Cyber Unit Commanders ng General Headquarters, Philippine Army, Philippine Air Force, Philippine Navy, Intelligence Service of the AFP (ISAFP), Intelligence Service Group (ISG), Naval Intelligence and Security Group (NISG), at PAF Intelligence Wing upang subaybayan ang voice calls, text messages, landline, email, fax, at iba pang uri ng komunikasyon ng dalawa.

Sa kanyang pahayag, iginiit ng abogado na mas makabubuti kung ilalaan ng mga security forces ang kanilang mga resources laban sa mga tunay na kalaban ng estado at ng mamamayan, sa halip na gamitin ito laban sa mga indibidwal na gaya niya.

“Your resources are of better use if deployed against real enemies for the protection of the people and the state, not against people like me,” ani Baligod.

Ang pahayag ay lumabas sa gitna ng kontrobersya kaugnay ng mga umano’y dating bodyguard ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na nagsiwalat ng diumano’y pagdadala ng male-maleta ng pera sa iba’t ibang opisyal mula 2022 hanggang 2025.

Kamakailan, inamin ni dating Rep. Defensor na tinutulungan niya ang naturang grupo, at kinumpirma rin na ginamit ang isang sasakyan na nakarehistro sa pangalan ng kanyang asawa sa paghahatid sa kanila.

Sinasabi naman ng Philippine Navy na apat sa 18 indibidwal na ipinakilalang dating Marines ay hindi kailanman naging bahagi ng kanilang hanay, habang ang ilan ay dishonorably discharged at ang iba ay nagretiro na may maayos na rekord.

Sa kasalukuyan, hindi pa nagbibigay ng opisyal na tugon ang AFP hinggil sa umano’y direktiba, ngunit inaasahang lalabas ang kanilang paliwanag sa mga susunod na araw.

Pero dati nang sinabi ng militar na hindi sila nakikisawsaw sa politika at nananatili silang tapat sa Konstitusyon.