Nagsampa ng kasong kriminal ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban sa Sunwest, Inc., pati na sa mga opisyal nitong sina President Aderma Angelie Descarga Alcazar at Treasurer Cesar Zacarias Buenaventura, dahil sa umano’y P22.71 bilyong kakulangan sa buwis mula 2019 hanggang 2024.
ang kompaniya ay dating pag-aari umano ni dating Rep. Zaldy Co.
Batay sa imbestigasyon ng BIR, sinadyang underdeclaration ng kita, maling pag-claim ng mga gastusin at pagbili, at paggamit ng hindi suportadong creditable withholding tax (CWT) credits ang ginawa ng kumpanya sa kanilang Income Tax Returns.
Dahil dito, nakitaan ng sapat na batayan ang ahensya para kasuhan ang Sunwest at mga opisyal nito sa ilalim ng Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code (NIRC).
Ang kaso ay kaugnay ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang mga iregularidad sa flood-control projects.
Natuklasan ng National Investigation Division na malaki ang diperensya sa mga bayad na iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kumpara sa deklarasyon ng kumpanya.
Noong Pebrero 2026, naglabas ang BIR ng Subpoena Duces Tecum upang ipakita ng Sunwest ang kanilang mga libro at dokumento, ngunit hindi ito ganap na sinunod.
Sa halip, ginamit ng BIR ang Best Evidence Obtainable Rule at nakumpirmang may undeclared income na umabot sa P6.29 bilyon.
Bukod dito, P36.63 bilyon na purchases at P3.65 bilyon na expenses ang hindi kinilala dahil walang sapat na dokumento, gayundin ang P291.12 milyon na CWT claims.
Sa kabuuan, umabot sa P22.71 bilyon ang tax deficiency ng kumpanya kasama ang surcharge, interes, at penalties.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, hindi sila magdadalawang-isip na magsampa ng kaso laban sa mga kumpanyang lumalabag sa batas.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng Run After Tax Evaders (RATE) Program, na layong paigtingin ang kampanya laban sa tax evasion.
















