-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Sisimulan ng Police Regional Office 6 ang deployment ng mga tauhan nito sa Sabado, Pebrero 28 bilang bahagi ng pagpapanatili ng seguridad sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) 2026 sa Isla ng Boracay.

Ayon kay P/Major Lailyn Sencil, tagapagsalita ng PRO-6 kasabay nito ang pansamantalang pagsuspinde sa Permit to Carry Firearms Outside Residence na
magsisimula alas-12:01 ng madaling araw ng Pebrero 28, 2026 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Marso 8, 2026, gayundin sa Marso 21 hanggang 28, Setyembre 17 hanggang 27 at sa Nobyembre 14 hanggang Nobyembre 22 para sa iba’t-ibang ASEAN engagements.

Nagbabala ang PRO-6 na mahaharap sa kasong paglabag sa Section 28 ng Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at maari pang ma-revoke ang naturang permit at licensed to own and possess firearms registration.

Ang pinakamalaking pagpupulong sa Boracay ay gaganapin sa Marso 26, ang 44th ASEAN Capital Markets Forum Chairs’ Meeting na pangungunahan ng Securities and Exchange Commission upang isulong ang capital market integration at sustainable finance initiatives.

Nauna dito, naging host rin ang Boracay sa tatlong araw na ASEAN Senior Officials’ Meeting (SEOM) Retreat noong December 10 hanggang 13, 2025.