-- Advertisements --

Inakusahan ng ilang labor groups ang Department of Labor and Employment (DOLE) na nililinlang ang mga manggagawa dahil sa pagpapalabas ng bagong wage order sa Metro Manila.

Ayon kay Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) spokesman Carlos Miguel Oñate na ang Wage Order NCR-28 ay mapanlinlang dahil hindi naabisuhan ang mga manggagawa dito.

Wala rin silang alam na ang naganap na konsultasyon noong Setyembre 2 ay basehan na pala ito ng bagong wage order.

Kinuwestiyon din nila ang pagpapalabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region (RTWPB-NCR) dahil sa paglabas ng bagong wage-order na nagbibigay ng P60 na taas sahod dahil nasa court injunction pa ang Wage Order NCR-27 na nagbibigay ng P85 na dagdag sahod sa mga manggagawa.

Maaring maipatupad ang nasabing bagong taas sahod sa darating na Setyembre 26 o 27.

Nilinaw naman ni Labor Secretary Francis Tolentino na ang P60 na taas sahod ay hindi bawas sa P85 dahil ito ay hindi pa naipapatupad.