Matatawag umanong matagumpay ang kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections sa kabila ng mga serye ng karahasang nangyari sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon.
Itinuturing ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na culmination ng peace process ang pagkakabuo ng regular parliament sa BARMM matapos mahalal ang kinatawan ng iba’t-ibang mga partido.
Paliwanag ng batikang mambabatas, hindi nagawa ng mga masasamang elemento na pigilan o pahintuin ang umusad na halalan at tumuloy pa rin ang mga botante na pumili ng kanilang mga nais maging lider.
Hindi rin nagkaroon ng special elections, kahit pa may mga pagsabog at pamamaril na naganap.
Dahil dito, maituturing aniya na tagumpay ang pinakaunang parliamentary elections na matagal na ring hinahangad at ipinaglalaban ng mga botante, iba’t-ibang grupo, at mga lider ng Bangsamoro
Binalikan din ng mambabatas ang ilang dekadang paghahangad ng mga mamamayan ng Bangsamoro na mabigyan sila ng pagkakataon at ng papel na sila mismo ang mamamahala sa kanilang sariling lugar.
Ang magumpay na halalan aniya ay nagsisilbing tulay para sa maayos na transition at paglilipat ng kapangyarihan mula sa national government patungo sa isang authonomous region.
















