-- Advertisements --

Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang information drive laban sa pagbebenta ng smuggled at iligal na sigarilyo sa mga sari-sari store sa buong bansa.

Inatasan ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng hepe ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga lokal at opisyal ng barangay upang palakasin ang kampanya sa pagpapalaganap ng impormasyon, kasunod ng mga ulat na laganap ang bentahan ng smuggled cigarettes sa maliliit na tindahan.

Ayon kay Nartatez, kailngan maunawaan ng mga may-ari ng maliliit na tindahan na nagiging bahagi sila ng supply network ng mga sindikato kapag pumayag silang magbenta ng naturang produkto.

Kasama sa information drive ang pagtukoy sa mga brand ng smuggled at iligal na sigarilyo upang maging gabay sa mga tindero at mamimili.

Matatandaan nauna nang nagbabala si Interior Secretary Junvic Remulla na na magsasagawa ang mga awtoridad ng mga raid sa mga pampublikong pamilihan at maliliit na retailer bilang bahagi ng kampanya laban sa iligal na sigarilyo. Kaugnay nito, binigyan ng isang linggong palugit ang mga nagbebenta upang itigil ang distribusyon at maubos ang kanilang paninda bago simulant ang mas mahigpit na operasyon.

Samantala, nanawagan naman ang PNP sa publiko, lalo na sa mga maliliit na tindahan, na makipagtulungan at agad na isumbong sa mga awtoridad ang anumang impormasyon hinggil sa bentahan ng mga smuggled na sigarilyo sa kanilang lugar.