LAOAG CITY – Inihayag ni P/Cpt. Elison Pasamonte, hepe ng Badoc Municipal Police Station na narekober ng mga pulis ang nasa 80 basyo ng bala matapos pagbabarilin ang dalawang lalaki sa Barangay Paltit sa bayan ng Badoc dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Nakilala ang mga biktima na agad na namatay na sina Erwin Rondal, residente ng Barangay Napu sa bayan ng Badoc at James Fernandez, residente ng Barangay Bulbulala sa bayan ng Pinili na nakasakay sa kotse na patungong hilagang direksiyon nang bigla silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek na sinundan sila ng isang puting Innova at isang pick-up truck na kulay itim.
Ayon kay P/Cpt. Pasamonte, ang mga baril na ginamit sa insidente ay isang calibre .56 at isang calibre .30.
Aniya, nakikipag-usap sila sa mga residente sa lugar na maaaring makapagbigay ng buong impormasyon tungkol sa krimen.
Paliwanag niya na kumukuha na rin sila ng Close Circuit Television o CCTV footages para matukoy ang mga nasa likod ng insidente.
Narekober naman sa sasakyan ng mga biktima ang isang kalibre .56 at dalawang pistol.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasiyon ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa pamamaril.
















