-- Advertisements --

Kinukuwestiyon ng kampo ni Atty. Manases Carpio ang pagkakadismis ng reklamong inihain kaugnay ng paglalabas ng mga dokumentong pinansiyal sa mga pagdinig ng house of representatives, na may kaugnayan sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa abogado niyang si Atty. Neal Abayon, naghain sila ng motion for reconsideration sa Quezon City Prosecutor’s Office matapos ibasura ang reklamo dahil sa usapin ng hurisdiksiyon.

Ipinaglalaban ng kampo na hindi dapat awtomatikong saklawin ng parliamentary immunity ang mga umano’y ilegal na gawain ng mga opisyal ng pamahalaan kung hindi ito bahagi ng kanilang opisyal na tungkulin.

Ginagamit nilang batayan ang desisyon ng Korte Suprema sa Osorio case na kinasangkutan ng mga tauhan ng militar, at sinusubukan ang aplikasyon nito sa mga mambabatas.

Nilinaw din ni Abayon na hindi awtomatikong ilegal ang isang transaksiyong pinansiyal at hindi katumbas ng hatol ng korte ang mga ulat ng anti-money laundering council o AMLC.

Samantala, sinabi niyang susunod si Carpio kung padadalhan Ito ng legal na subpoena upang tumestigo sa impeachment proceedings.