-- Advertisements --

Nanawagan si Parañaque 2nd District Brian Raymund Yamsuan, sa pribadong sektor na makilahok at tumulong sa pagtugon sa matinding kakulangan ng silid-aralan sa bansa.

Ayon kay Yamsuan, aabot sa 145,000 ang kasalukuyang kakulangan sa classrooms. Posible pa itong lumala dahil tinatayang 51,000 gusali ng pampublikong paaralan ang magiging hindi na ligtas gamitin pagsapit ng 2028.

Dahil dito isinusulong ni Yamsuan ang panukalang batas ang House Bill 7362 o Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act.

Sa ilalim ng nasabing panukala papayagan at hihikayatin ang mga civil society organizations (CSOs) at pribadong grupo na makilahok sa pagtatayo ng mga paaralan sa pamamagitan ng mas pinadaling proseso sa procurement, accounting at auditing.

Pinapayagan din ng panukala ang mga kwalipikadong local government units (LGUs) na magsulong at magpatupad ng classroom projects gamit ang pondo ng pambansang pamahalaan.

Ayon kay Yamsuan, hindi kayang solusyunan ng gobyerno lamang ang problemang ito kaya kailangan ang “whole-of-nation approach.”

Ang CAP Act ay kabilang sa mga prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Naipasa na ng Senado ang bersyon nito sa ikatlo at pinal na pagbasa noong Enero 26, 2026, habang nakabinbin pa ito sa Kamara.

Sa 2026 national budget, mahigit P85 bilyon ang inilaan sa Basic Education Facilities Fund (BEFF) ng DepEd upang pondohan ang pagpapatayo at pagsasaayos ng mga paaralan.

Sa ilalim ng panukala, itatakda ang halaga ng pagtatayo ng bawat silid-aralan sa pagitan ng P1.6 milyon hanggang P2.1 milyon, na maaaring itaas ng hanggang 20% depende sa lokasyon at iba pang gastusin, basta’t aprubado ng DepEd.

Binigyang-diin ni Yamsuan na mahalaga ang agarang pagpasa sa nasabing batas para sa kapakanan ng mga mag-aaral na kasalukuyang nagsisiksikan sa classrooms,