Sa pagtatapos ng Philippine Military Academy Class of 2026, ipinaalala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kadete na ang kanilang katapatan ay dapat nakatuon sa Konstitusyon at hindi sa anumang interes pampulitika, indibidwal, o ideolohiya.
Binigyang-diin ng Commander-in-Chief na ang mga bagong opisyal ay kailangang mamuhay sa prinsipyo ng “never lie, never cheat, never steal and never tolerate those who do.”
Ayon kay Marcos Jr., ang pananahimik sa harap ng mali ay isang uri ng pagtataksil sa mga pinahahalagahan ng serbisyo, sa bayan, at sa mismong prinsipyo na kanilang ipinangako na ipagtatanggol.
Dagdag pa niya, ang integridad at katapatan ay pundasyon ng tunay na serbisyo publiko at dapat maging gabay ng bawat opisyal sa kanilang tungkulin.
Binati rin ng Pangulo ang mga nagtapos at hinimok silang maging huwaran ng tapang at dedikasyon sa pagtatanggol ng soberanya ng bansa.
Sa kanyang talumpati, mariin niyang ipinaalala na ang tunay na pamumuno ay nakaugat sa prinsipyo ng Konstitusyon at sa walang pag-iimbot na paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
















