-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng makaranas ng malalakas na bagyo ang Pilipinas mula Hunyo hanggang Agosto, kaya’t pinaghahanda na ang publiko sa mga posibleng epekto nito.

Maaaring mabuo ang mga malalakas na weather system sa pagsasanib ng habagat at tinatawag na Super El Niño, na posibleng magdulot ng matitinding pag-ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng bansa.

Batay sa pag-aaral ng ahensya, umaabot umano sa 92% ang posibilidad ng ganitong kombinasyon ng mga weather pattern, ayon kay Ana Solmoro-Solis, hepe ng CLIMPS ng PAGASA.

Ayon sa state weather bureau maaaring lumala ang epekto ng habagat, partikular sa western section ng bansa, kapag sumabay ito sa simula ng tag-ulan.

Dagdag pa ng weather bureau kahit maaaring kaunti lamang ang mabubuong bagyo sa nasabing panahon, posible namang maging malalakas ang mga ito na maaaring magdala ng matinding ulan o malalakas na hangin, o kaya ay pabugso-bugsong pag-ulan na may kasamang hangin.

Nitong mga nakaraang linggo, ilang lugar na sa bansa ang agad binaha kahit thunderstorm lamang ang nararanasan.

Dahil dito, pinapaalalahanan ang mga residente sa mga flood-prone areas na maghanda, lalo na’t nananatili pa rin ang mga isyu sa flood control projects sa ilang bahagi ng bansa.