-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala ang University of the Philippines (UP) Broadcasting Association sa naging desisyon ni Sen. Loren Legarda kamakailan na maging bahagi ng bagong Senate majority bloc na pinamumunuan na ngayon ni Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate President.

Kasama ni Legarda na lumipat sa bagong liderato ang iba pang senador tulad nina Sen. Pia Cayetano, Sen. Mark Villar, at Sen. Camille Villar. Kinalaunan, tuluyan ding nahalal si Legarda bilang Senate President Pro Tempore, ang ikalawang pinakamataas na posisyon sa Senado.

Ayon sa grupo, ang biglaang political realignment ay nagpapakita lamang kung gaano kabilis ang pagbabago ng loyalty sa Philippine government para sa political survival, convenience, at elite bargaining.

Nangyari ito habang naghahanda ang Senado sa pagtanggap sa Articles of Impeachment mula sa Kamara de Representantes at tuluyang pagsisimula ng trial laban sa pangalawang pangulo.

Ayon pa sa grupo, lumalawak ngayon ang pangamba at pagkabahala ng publiko na ang nangyaring pagbabago sa liderato ng Senado ay upang pahinain, palawigin, at tuluyang idiskaril ang impeachment process.

Ayon sa grupo, ang naging political choice ni Legarda ay hayagang pagsalungat sa prinsipyo ng accountability, public service, at democratic responsibility na pawang itinuturo sa mga mag-aaral ng UP kung saan siya nag-aral si Legarda.

Dahil dito, hinamon ng grupo si Sen. Legarda na pag-isipan at pagnilayan ang kaniyang desisyon at ang ‘values’ na dati umano niyang pinanindigan.

Hinamon din ng grupo ang senador na tiyaking ang Senado ay hindi magiging kanlungan ng ‘impunity’ o maging bargaining table para sa mga political dynasty na nagnanais manatili sa puwesto.