Dinepensahan ni Senador Robin Padilla si Senate acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kaugnay ng naganap na pamamaril sa Senado noong Mayo 13, 2026.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Padilla na si Aplasca umano ang naging susi upang maiwasan ang mas malalang insidente at posibleng pagkawala ng buhay sa loob at labas ng Senado.
“Ang taong ito ang nagsagip sa mga buhay ng nasa loob at labas ng Senado,” ani Padilla.
Ayon pa sa senador, naging mahalaga umano ang pagpapaputok ng warning shot nina Aplasca at ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) upang mapakalma ang sitwasyon at maipakitang hindi magkalaban ang magkabilang panig.
“Ang warning shot niya at warning shot ng NBI ang nagpakalma ng sitwasyon at nagpatunay na friendly forces sila pareho at nagkulang sa tamang koordinasyon at komunikasyon ang kanilang mga pinuno,” paliwanag ni Padilla.
Dagdag pa niya, hindi umano nanaig ang matinding emosyon o “combat high” sa magkabilang panig kaya nauwi pa rin sa mapayapang pagtatapos ang kaguluhan.
Nagpasalamat din ang senador na walang nasaktan sa insidente.
“Alhamdulillah walang nasakripisyo na buhay sa kalitohan na ito,” dagdag niya.
Samantala, pinatawan ng Office of the Ombudsman si Aplasca ng anim na buwang preventive suspension nang walang sahod kaugnay ng insidente sa Senado, na may kaugnayan umano sa tangkang pag-aresto kay Senador Ronald dela Rosa dahil sa arrest warrant mula sa International Criminal Court.
















