-- Advertisements --

Taliwas sa nauna niyang pahayag na posibleng hindi na tumakbo sa 2028 elections, sinabi ni Mariel Padilla na hindi pa magre-retire sa pulitika si Senador Robin Padilla.

Sa isang podcast ni Sen. Imee Marcos noong Mayo 16, iginiit ni Mariel na patuloy pa ring may misyon ang kanyang asawa sa gobyerno at sa mga adbokasiyang sinimulan nito.

“Minsan napapaisip ako na tapusin na lang [termino niya bilang senador]… pero may mga tao, lalo na ang mga Muslim at Indigenous groups, na umaasa sa kanya,” ani Mariel.

Dagdag pa niya, may mga pagkakataong naiisip niyang mas mabuting ipagpatuloy na lamang ni Robin ang kanyang termino sa Senado dahil sa mga sektor na umaasa sa kanyang serbisyo.

Nilinaw rin ni Mariel na ang kanyang naunang pahayag tungkol sa “they don’t deserve him” ay tumutukoy sa mga taong nagsasalita nang negatibo laban sa kanyang asawa bilang mambabatas.

“Kapag may nasabi na out of context… I feel na they don’t deserve him,” paliwanag niya.

Matatandaang nauna nang sinabi ni Sen. Robin na balak niyang lumayo sa pulitika at umalis ng bansa dahil sa pagkadismaya sa sistema.

Gayunpaman, kalaunan ay binawi niya ito at sinabing maaari siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon, gaya ng bise presidente, kung hihilingin ito ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Padilla ay kilala bilang isa sa mga matinding tagasuporta ni Duterte, na kasalukuyang nahaharap sa kaso sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng crimes against humanity.