-- Advertisements --

Pinadalhan na ng House Committee on Justice ang mga miyembro nito ng notice kaugnay sa pagsisimula ng paunang deliberasyon sa apat na verified impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.

Nakasaad sa 3 notices na ibinahagi ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio ang agenda sa tatlong araw na deliberasyon mula sa araw ng Lunes, Marso 2 hanggang Miyerkules, Marso 4 na sisimulan tuwing alas-10:00 ng umaga.

Sa unang araw ng deliberasyon, isasagawa ang initial consideration sa apat na reklamong impeachment laban sa Bise Presidente.

Kabilang ang unang reklamong impeachment na inihain nina France Castro et al na inendorso nina Reps. Tinio, Sara Elago at Renee Co.

Ang ikalawang reklamong inihain nina Francis Dee et al, na inendorso nina Reps. Percival Cendaña at Leila de Lima.

Ang ikatlong reklamong impeachment na inihain nina Rev. Fr. Joel Sabalia et al, na inendorso ni Rep. Leila de Lima at ang ikaapat na impeachment complaint na inihain ni Atty. Nathaniel Cabrera et al, na inendorso nina Reps. Bienvenido Abante Jr. at Paolo Ortega V.