Umaasa ang kampo ni former President Rodrigo Roa Duterte na ireresolba na ng Kataas-taasang Hukuman ang mga petisyon patungkol sa umano’y ilegal na pagkakaaresto sa dating pangulo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Salvador Paolo Panelo Jr, kanyang ibinahagi na inaasahang anumang oras ay pagdedesyunan na ng Korte Suprema ang patungkol sa kaso.
Alinsunod aniya ito nang hingin kamakailan ang ‘memorandum’ ng magkabilang panig sa petisyon inihain ng mga anak ni Duterte.
Naniniwala si Atty. Panelo Jr. na ang aksyon o kautusan ito ng hukuman ang siyang huling bahagi na sa proseso bago tuluyang mag-isyu ng pinal na resolusyon.
Ang naturang abogado ay ang siyang ‘legal counsel’ ni Veronica ‘Kitty’ Duterte sa petisyon ‘habeas corpus’ na kanilang inihain sa Korte Suprema.
Giit naman ng naturang abogado na problema na umano ng ehekutibo o gobyerno na maiuwi pabalik ng bansa si former President Duterte.
Ito’y sakaling paburan ng Korte Suprema ang kanilang petisyon ‘habeas corpus’ at atasan ang mga respondents na ibalik at ipresenta sa hukuman ang dating pangulo.
Sa kabila nito, positibo ang kampo ni Duterte na mayroon parin paraan o hakbang maaaring gawin ang gobyerno upang maibalik ang dating pangulo sa bansa.
Maari aniyang makilahok ang gobyerno sa International Criminal Court at igiit na kaya namang magsagawa ng sariling paglilitis ukol sa kaso.
Batay raw kasi sa Rome Statute ng International Tribunal, nagkakaroon lamang ito ng hurisdiksyon sa oras na walang kakayanan o ayaw magsagawa ng paglilitis ang estado sa mga indibidwal nasasangkot sa krimen.
Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin ang mga petisyon sa Korte Suprema, may kinalaman sa pagkakaaresto at pagpapadala kay dating Pangulong Duterte tungo The Hague, Netherlands.















